I wrote this today.
Someone once told me (Well, the entire class, not just me. But, you see, this is my favorite class...so...) to try and write in the language that we use in our dreams (or something close to this).
"...ang wika sa iyong mga panaginip."
I'm quite fond of writing. And most of my stories/poems are in english. But I also write in Filipino. Iba rin talaga pag Filipino ang gamit na wika. Nagsimula ang pagsusulat na ito sa "Lagusan" na balak rin naming gawan ng isang maikling pelikula. Sana matupad na ang short film project na ito na nagsimula pa noong 2009, habang naghihintay ng susunod na palabas sa eiga sai 09. Nagmamasid lang kami, tumitingin sa mga paa. Tapos naisipang gumawa ng pelikula, pero never naman nangyari.
Masarap magkaroon ng ganitong klase ng mga kaibigan : )
Masarap magkaroon ng ganitong klase ng mga kaibigan : )
****
Biyernes, bakit di natin subukan?
"Chicharon, teng?" tanong ng estranghero.
Teng? Bakit teng? tanong ko sa sarili. Ikaw palang tumatawag sa akin ng "teng." Medyo natawa ako. Hindi kasi ikaw ang inaasahan kong tatawag sa akin niyan. At least, hindi "thing" o "thong." Mabuti na rin siguro ang "teng."
Hindi man ako bumili ng iyong chicharon, hangad ko ang ikakaunlad mo. Niyo.
"Buko pie? Buko pie?" tanong ng pangalawang estranghero.
Marami pang sumunod:
"Tubig, C2?" "Candy, Bulgar, itlog pugo?" "Grapes, te." "Apple, mapula." "Orange, matamis." "Kasuy?" "Mani, mainit."
Tila mga makata na naging kirida ang kapitalista. O parang mga artista na sa bus ay rumarampa.
Halos walang bumili sa kanilang mga paninda. Nakatingin ang karamihan sa lumulutang na telebisyon, ang iba nama'y tulog o kaya'y nagpapanggap na tulog, at ang ilan ay abala sa kanya-kanyang mundo.
Walang benta. Paano na kaya sila?
Naalala ko tuloy si Celso at si Cora, nasaan na kaya sila? Pati na rin ang mga anak nilang si Totoy at Maricel. Sigarilyo pa rin ba ang puhunan o may bago nang takbuhan? Celso at Cora, kamusta na kayo? Eh si Gary, kinakamusta kaya kayo? Halos tatlong dekada na rin ang lumipas simula nang buhay niyo'y ipinakita di lamang sa Pinas, ngunit maging sa ibang bansa.
Bago ako sumakay ng bus, napadpad muna ako sa isang 4-peso comfort room. O kung anuman ang dapat itawag dito.
Andun yung babae, tahimik na nakaupo, nagbabantay sa banyo sa likod. Sa kaliwa niyang kamay ay isang pink na pamaypay, tila sumasayaw. Parang flaminggong naliligaw sa mausok na gubat ng di maintindihang lungsod.
Tumitig ako sa kanyang mga mata, pero mata ni ate'y tila mailap. Inabot ko ang apat na piso, lahat nakaharap ang malalamig na titig ng bayaning si Jose. Inabot naman ni ate ang makinis at manipis na pink na papel, ang tiket, na mamaya'y aking malulukot at maiwawala.
Orange ang dingding ng banyong ito. Malinis, maaliwalas. Mas mura nang anim na piso kumpara sa Gateway, pero mas mahal sa libre at paboritong banyo sa aming kolehiyo.
Buti na lang at ako'y nakapagsipilyo kani-kanina lamang sa aming kolehiyo. Dahil ang sumalubong sa akin ay isang babaeng masusing sinusuri ang kanyang katawan. Left arm up, right arm up. Titig, himas, titig. Masusi niyang pinag-aralan ang kaliwa't kanan. Tumayo ako sa tabi niya, tumingin ako sa malaking salamin habang tinatali ang aking kulot na buhok. Ngunit ang aking peripheral vision ay sadyang makulit, ang aking atensyon ay nababaling pa rin.
Sa kaliwa ko naman ay isang ale na sa pulbos ay nawiwili. Pulbos dito, pulbos doon. Parang niyebe sa mainit na tanghali. Hindi nga ba masarap ang pakiramdam pag pulbos ay dumapo sa ating balat. Tila makinis at presko ang pakiramdam. Parang telang mabilis na dumaplis sa ating katawan. Isang panandaliang saklolo sa nagiinit na katawan.
Kulay krema ang mga cubicle sa banyong ito. Malinis. Mahusay ang paglilinis dito. May basurahan at may sabitan pa ng bag. Mahusay nga naman. Habang nakakulong sa kulay kremang cubicle, ako'y napaisip sa problemang kagabi'y sa aki'y dumating. Ilang minuto pa ang aking nilaan para sa pag-iisip tungkol sa simpleng problema, pero pagkatapos noon, ako ay lumabas na.
Bago pa man ako makarating sa banyong ito, ako muna'y napalibutan ng malungkot na kulay ng LRT.
Iba rin ang pakiramdam tuwing sumasakay ng LRT. Masayang malungkot magbiyahe nang mag-isa. Masarap pagmasdan ang mga taong naghihintay, masarap abangan ang paparating na tren, at damahin ang hangin sa kanyang pagdating. May ibang saya rin ang dala sa paglalambitin sa loob ng tren.
Bago sumakay ng LRT, ako'y nanggaling sa aming kolehiyo. Natuwa at napangiti sa Christmas tree na sa amin ay bumati.
Nasa lobby ang Christmas tree na ito. Lobby. Ito ang pangalawang paborito kong lugar sa kolehiyo. Masarap tumambay dito, may libreng saksakan at sagap ng internet. Magandang lugar para umupo at gumawa ng mga dapat gawin gaya ng papers, readings, o editing, o kung anuman. Masarap ring makipagkuwentuhan. At siyempre, masarap pagmasdan ang mga taong napapadaan.
Lakaran sa langit. Ito ang paborito.
Dapat magkakaroon ng bagong pangulo ngayong araw na ito. Pero kita mo nga naman ang panahon, mapagbiro talaga. Bigla na lang natanggal ang kinatawan ng mga mag-aaral. Ipagpaliban na lamang sa ibang araw.
Kasabay pa nito ang iba pang masamang balita na nagbabanta.
Kasabay pa nito ang di siguradong katuparan ng nag-iisang makinang na pangarap.
Time machine talaga ang perpektong pantasya.
Marami ring nagaganap sa paboritong hagdanan, na siyang nagsisilbing koneksyon sa pagitan ng dalawang paboritong lugar sa kolehiyo. Sa hagdanang ito, tila slow-mo ang mga pangyayari. Slow-mo at detalyado. Medyo hindi planado.
Kanina sa bus, tatlong pasahero lamang ang natira. Medyo dumidilim na. Bigla ko namang naalala itong isang eksena sa isang pelikula. At bigla namang sumakit ang aking bagong tumutubong wisdom tooth.
Lumubog na ang araw, pero ang mga tindero at tindera'y buhat-buhat pa rin ang di nabawasang paninda. Naglalakad sa dilim, nag-aabang ng masasakyan pauwi.
***
No comments:
Post a Comment