Lagusan sa Vienna, hinahanap ni Maria.
Nasaan, naroon? Tanong ng dalaga.
Keso't alak, matitikman ba?
Lagusan sa Vienna, nais niyang makita.
Tatay ni Maria ay isang mamamahayag,
malayang nagsusulat, malayang nagmumulat.
Ngunit isang umaga, sa malubak na kalsada
buhay niya'y kinuha, binaril, at binura.
Isang taon matapos maulila sa ama,
itim na damo'y patuloy na gumapang,
patuloy na umusbong
sa lupaing nilamon
ng sandata't barya.
Isang taon matapos maulila sa ama,
nanay ni Maria ay tila nawala.
Walang bakas, walang marka
kung saan siya nagpunta.
Hiling ni Maria na siya ay makita,
sa Maynila, sa Laguna, o di kaya
sa Vienna.
Ang pangarap ni Maria na makapuntang Europa
ay buhay na buhay
sa kabila ng pagkaulila.
"Bakit sa Vienna?" tanong ng binata
na pilit niyayakap ang dalaga.
"Sa Vienna, ako'y magiging malaya,
ako'y magtatrabaho, ako'y kikita."
sabi ni Maria matapos umilag sa
yakap ng mapilit na binata.
"Ako, sa Tsina ko nais pumunta."
bulong ng binata sa tenga ni Maria.
"Great Wall of China, yan ang gusto
kong makita." sabay hugot ng singkwenta
sa kanang bulsa.
Mabilis na kinuha, lukot na singkwenta,
napakunot pa ang noo ni Maria.
"Bakit singkwenta? Hindi ba isang daan?"
sigaw ni Maria.
Inayos ng binata ang lukot na polo,
sabay hugot sa sinturon,
sabay hagis ng benteng bulok.
Kasing haba ng pader sa Tsina,
ang gabing ito para kay Maria.
Ang binata ay isa lamang
sa mga taong kanyang dapat pakisamahan,
may alkohol man o wala,
pakikisama ay kailangan.
Pinulot ni Maria ang karagdagang bente,
"Mabuti nang kulang, kesa wala."
bulong ni Maria sa kanyang sarili.
Habang si Maria ay nagpapalamig
matapos mabilad sa init ng gabi,
ang kapatid niyang bunso ay nagpapahangin,
kasama ang kabarkada't patalim.
Singhot, kalabit, tutok, takbo.
Tila isang ritwal na nakabisa ni bunso.
"Pare, isang araw ako'y magmamaneho,
Mercedes Benz, pare, yung kulay ginto!"
Halakhak, tulak, tadyak, dura.
"Ambisyoso ka kaibigan, heto sampung
piso, ibigay mo sa ate mo, sana'y dalawin niya
naman ako."
Nagpaalam na si bunso, hindi sa mundo,
kundi sa mga kaibigan.
Tulak-tulak ang karitong may laman
na sako't tsinelas, lata at barya.
"Ate, tignan mo itong nakita ko."
sabi ni bunso pagkauwi sa kanila.
"Isang pares ng pulang tsinelas,parang
pang-prinsesa. Isukat mo na."
Nagtaka si Maria, mala-Cinderella
ang pasalubong ni bunso, di siya makapaniwala.
"Nakita ko yan, sa may palayan. May tatlong sundalo,
hinubaran ang dawalang dalaga. Kaya matapos nilang umalis,
aking kinuha itong naiwang tsinelas ng umiiyak na dalaga."
Dalawang dalaga'y matagal nang nawawala,
sila'y di makita, di mahagilap,
tila mga pangarap na maagang nawasak.
Ang mga inakusahan, patuloy na tumatanggi,
parang aso kung makangiti.
"Aba, dapat mo iyang isumbong sa pulis, bunso!"
Sigaw ni Maria, pero kanyang mga mata'y nakatitig
na sa magandang tsinelas na ngayo'y
nasa ilalim na ng kanyang mga paa.
"Ate, wag na. Baka ako'y masaktan lamang,
gaya ni Kuya."
Kuya nila Maria at Bunso ay matagal nang patay.
Nauna pa sa kanilang ama,
nauna pang mataya
sa maruming laro
ng mga nakaupo.
Bagong daan patungo sa pagbabago,
iyan ang pangakong narinig ni Maria,
ilang buwan lang ang nakalipas,
mula sa malaking bunganga ng
makinang na midya.
Maunlad na raw ang bayan ni Maria,
mataas na kung lumipad
ang mga pekeng ibon, mas mataas pa
sa lipad ng mga saranggola.
Naglalakihang gusali, nanatiling nakatirik
gaya ng mga paubos na kandila
sa lugar ng kamatayan
ng ama ni Maria.
Balang araw, magiging inhinyero raw si Bunso.
Yan ang sabi ng nanay ni Maria, bago
siya lumisan sa naninigas na bayan.
Ngayon, si bunso kumpleto sa kagamitan,
patalim, martilyo, at plais.
Baon niya sa gabihang pagdalaw
sa mga mataong gusali.
"Masarap kaya sa Vienna?" tanong ni Maria,
habang nakatitig sa kanyang mga paa.
Nakahiga sa kama ng di niya kakilala,
nagbibilang kung ilan pang minuto
ang natitira,
kung magkano ang dapat singilin,
para makabili ng pagkain para kay bunso,
para makaipon ng perang itatago
sa ilalim ng unan
para sa Vienna'y siya'y makarating.
Balang araw, lagusan sa Vienna, makikita rin ni Maria.
Pero sa ngayon, ibang lagusan ang kanyang tinatahak,
marumi, masikip, at madaya.
Lagusan na tinatahak ngayon ni Maria.
***
(Took these pictures last sembreak. Wrote this story today.)